315

Dec 23, 2017 @ 15:33
By

Bulacan shootout: 1 pulis, 4 kidnappers todas

Patay ang apat na miyembro ng Kidnap for Ransom Group (KRG) matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group sa Brgy. Sta Lucia, Angat, Bulacan kaninang madaling-araw.

Sa ulat ni PNP Spokesperson Police Chief Supt. Dionardo Carlos, ala-1:10 ng madaling-araw kanina nang magsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng PNP-AKG para mailigtas ang kidnap victim na si Raziel Esguerra.

Si Raziel Esguerra ay dinukot alas-tres ng madaling-araw nitong Disyembre 22, 2017.

Humingi ang mga suspek ng P15 milyon kapalit ng pagpapalaya sa biktima.

Pero humingi ng tulong sa PNP-AKG ang kapatid ng biktima na si Roniel E. Bungay dahilan para magsagawa ng operasyon ang mga pulis.

Ikinasa ang entrapment operation sa isang gasolinahan sa Balagtas, Bulacan pero nailipat ang lugar sa Angat, Bulacan.

Habang sinusundan ng mga pulis ang isang sasakyang Mitsubishi Adventure na sakay ang mga suspek ay nakatunog ang mga ito na may mga pulis na nakamanman sa kanila.

Dahil dito’y agad pinaputukan ang mga pulis na gumanti naman ng putok sa mga kalaban dahilan para mapatay ang apat na kidnaper

Sa barilan, nasawi ang isang pulis na naisugod pa sa ospital pero idineklarang dead on arrival na kinilalang si Police Supt. Arthur Masongsong habang kritikal naman si Police Chief Inspector Ronald Lumactud.

Nailigtas naman ang kidnap victim na si Raziel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?