185

Jul 5, 2020 @ 16:42
By

Buknoy tinadtad ng death threat

Dinepensa ng YouTuber Buknoy Glamurrr ang kanyang sarili matapos mag-viral dahil sa kanyang vlog kung saan tingin ng mga netizen ay minaliit nito ang mga tricycle driver.

Sa ‘Aba Trending’ ng Abante Radyo Tabloidista, sinabi ni Buknoy na hindi niya intensyon na patamaan ang mga tricycle driver, at nagkamali lamang daw siya sa pag-edit ng kanyang vlog dahil may karugtong sana ang pahayag nito.

“Nung nagpi-film po ako nun, sunod-sunod ‘yung ingay. So bawat dumadaan na vehicle nagii-stop ako para kuhanan sila ng reaksyon, so parang hindi ko po nasingit na ‘tulad nito, may dumadaan na naman’,” ayon kay Buknoy.

“Ang mali ko po doon hindi ko naisali ‘yung katuluyan, kasi bawat cut ko po sa editing, hindi ko siya masyado tiningnan… pero pagkakarinig ko po sa video, parang ang pangit po ng dating sa’kin,” aniya pa, na dinagdag na hindi rin umano tricycle driver ang hanapbuhay ng kanyang sinamang lalaki sa vlog.

Matatandaan na nag-trending si Buknoy matapos siyang banatan ng mga netizen dahil sa umano’y panghahamak nito sa mga trike driver.

“Huwag na huwag kayong sumukong mangarap, kasi kung hindi kayo magsusumikap sa buhay, walang-wala kayong mararating tulad nito,” ani Buknoy saka ipinokus ang camera sa tricycle driver, sa kanyang vlog.

Aniya pa, nakakatanggap na rin umano siya ng banta sa kanyang buhay dahil sa viral video.

“Andami ko na pong natatanggap na death threat… right now nagpe-prepare na po kaming umalis dito (sa bahay),” pakli pa ng YouTuber.

Humingi rin ng tawad si Buknoy sa mga na-offend sa kanyang nasabi sa vlog, kung saan ilan sa mga naglabas ng opinyon ay sina Lars Pacheco at Kaladkaren.

Panoorin ang buong panayam sa Abante Radyo Tabloidista Facebook page at Youtube channel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?