354

Nov 23, 2021 @ 15:44
By

Buking sa cellphone! Hazing sa PMMA ‘normal’

Inilutang ng isang mambabatas sa Kamara ngayong Martes ang mga pag-uusap sa app na Messenger ng napatay na cadet ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) na nagpapakita umano na normal lang ang hazing sa naturang paaralan.

Ipinakita umano ng mga Messenger conversation ng napatay na si Midshipman Cadet 4th Class Cadet Jonash Bondoc ang nangyayaring kultura ng hazing sa PMMA.

Nasawi si Bondoc noong Hulyo 6, kaya’t iniimbestigahan sa Kamara, sa pangunguna ni Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Fortun, ang kanyang kamatayan.

Si Bondoc ay sinapak umano ni Midshipman Cadet 2nd class Jomel Gloria, kung saan nagtamo siya ng head injury at nasawi.

Ayon kay Fortun, lumitaw sa pag-uusap ni Bondoc at ng kapatid nito na normal lang sa PMMA ang pag-hazing ng mga upperclassmen sa mga mas batang cadete.

Pinauwi pa raw si Bondoc ng kanyang kapatid ngunit nanindigan ito na kaya pa niya ang pinagdaraanan.

“He (Jonash) was relaying to Joshua his ordeals in the academy […] Sabi dito, ‘yong pinaka-highlight dito sabi ni Jonash, if you see right ng screen, ito ‘yong translation in Filipino, sabi niya ‘Normal lang ang hazing dito kuya, ‘wag mo na sabihin kay Mama ha,’” saad ni Fortun.

“It’s a long conversation, but the highlight […] is the message of Jonash telling his kuya na ‘normal lang ang hazing.’ Sabi niya (Joshua), sabi ng kuya niya ‘Please take care always, sayang hindi ka makaka-uwi sa Pasko, sige lang, tiisin mo lang,’” wika pa ni Fortun.

Kaya naman, naniniwala si Fortun na hindi isang isolated case ang pagkamatay ni Bondoc.

Bukod sa kaso ni Bondoc ay nagpakita pa si Fortun ng ilang video na nagpapakita umano ng talamak na hazing sa PMMA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?