299

Dec 16, 2018 @ 14:50
By

Buking! Raket ni Abad sa mga bidding project, itinuloy ni Diokno – Andaya

Ibinisto kamakailan ni House Majority Floor Leader and Camarines Sur Rep. Rolando ‘Nonoy’ Andaya Jr. na ipinagpapatuloy pa rin ng kasalukuyang liderato ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalaan nito ng alokasyon sa mga panukalang proyekto ng gobyerno kahit hindi pa ito naipapasa ng Kongreso.

Ginawa ni Andaya ang pahayag kasabay ng usapin sa P75 bilyong insertions sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na inako ni Budget Sec. Benjamin Diokno noong kainitan ng ‘Question Hour’ sa plenaryo ng Kamara noong nakaraang Martes.

Ayon kay Andaya, may mga dokumento na nakalap ang kanyang opisina na makapagpapatunay na ipinagpapatuloy pa rin ni Diokno ang kalakaran noong panahon ni dating Budget Sec. Florencio ‘Butch’ Abad, kung saan, ipinapa-bidding na umano ang mga proyektong nasa drawing board pa lamang at hindi pa aprubado ng Kamara at Senado.

“Mayroon kaming nakuhang DBM circular na nagsasabi na ‘yung mga alokasyon sa budget kahit hindi pa napapasa ng Kongreso e puwede ng i-bid. So, wala pang may alam, wala pang may alam kung ano yung mga proyektong gagawin e napag-uusapan na,” sabi ni Andaya.

Paliwanag ni Andaya, 2010 pa umano nagsimula ang nasabing sistema sa ilalim ni Abad at patuloy na ginagawa ng kasalukuyang pamunuan ng DBM—kung saan, kahit pinag-uusapan pa lamang sa planning office ng DPWH ang mga panukalang proyekto, ay may alam din na ang mga dati ng pinapaboran na contractors at pinapa-bidding na din sa kanya-kanyang mg lugar.

“So, ang order nito, department circular na ‘to, sinasabi na pwede mong i-bid out na ang mga kontrata kahit wala pang approved na budget,” giit ni Andaya.

Duda ni Andaya, may mga panukalang proyekto sa ilalim ng P75-bilyong budget insertions sa DPWH ang dumaan na sa bidding kahit hindi pa aprubado ng Kongreso ang 2019 National Budget, kaya ganun na lamang umano kung sila’y madaliin ni Diokno para ito’y ipasa.

“Kaya alam mo na ngayon kung bakit ayaw ipabago yung budget. Kung ba’t minamadali at ini-insist na walang pagbabago kase hindi pa nga nabibigay sa amin ang kopya e tapos na pala ang boxing… kasi ‘yung P75-billion na bid out, (yung) mga nakalista ngayon (na projects) na nandoon ,ano na yon, binibid na ngayon yun,” paliwanag ni Andaya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?