70

By

Bukas na pinto ng tren, kagagawan ng pasahero – Engr. Bolario

Sharing is caring!

Nagpaliwanag ang pamunuan ng Light Rail Transit o LRT Line 1 kaugnay sa kumalat na video sa social media na nabuksan ang isang pinto sa isang bagon ng LRT kagabi ng alas-siyete.

Sinabi ni Engr. Rod Bolario, operations director ng LRT Line 1, puwersahan umanong binuksan ng isang pasahero ng LRT ang saradong pinto kaya mula Vito Cruz patungong Quirino Station, habang tumatakbo ay nakabukas ito na napapanood ngayon sa social media.

Hindi na rin aniya nahuli ang hindi nakilalang commuter dahil pagdating sa Quirino Station ay mabilis itong bumaba.

Aminado naman aniya ang LRT Line 1 sa pagkukulang lalo pa’t hindi nila nalagyan ng warning sign na depektibo ang isa sa mga pinto ng nasabing tren.

Pinagtanggol din ni Bolario ang operator ng tren na may nabuksang pinto dahil hindi umano nade-detect ng operator kung bukas ang pinto dahil sa pagiging depektibo, kaya aniya nang sapilitang buksan ng isang pasahero ay agad na nabuksan.

Humihingi ng paumanhin sa riding public o mga mananakay ang pamunuan ng LRT Line 1 patungkol sa naganap na insidente.

Nabatid na nagmula ang tren ng LRT Line 1 sa Baclaran upang magsilbing escape train at naglulan na lamang ito ng sakay pagsapit sa Vito Cruz Station.

Nakumpuni ang naturang tren pagdating sa Roosevelt Station sa Muñoz Station.

Paalala ng pamunuan ng LRT sa mga commuter na huwag bubuksan ang mga pinto ng tren lalo na kung umaandar dahil mapanganib.

Hinihikayat din ni Engr. Bolario ang mga commuter na maging mahinahon sa sandaling makaranas ng hindi inaasahang pagbubukas ng mga pinto sa bagon ng LRT. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?