135
mr-trabaho-joel-villanueva

‘Build, Build Build’ Equals ‘Jobs, Jobs, Jobs’

By Joel Villanueva

Bahagi po ng “Build, Build, Build” Project ng gobyerno ang dalawang malalaking proyektong pang-imprastrukturang inumpisahan ngayong Enero – ang Tutuban-Malolos Railway at ang New Clark City.

Ilang dekada na po ang nakaraan mula nang huling bumiyahe ang tren na pinatatakbo ng Philippine National Railways (PNR) mula Ferrocaril, Manila. Binabagtas nito ang limang istasyon sa Bulacan, mula Meycauyan hanggang Calumpit, patungong Dagupan, Pangasinan. Sa katunayan, makikita pa rin po hanggang ngayon ang mga lumang istasyon sa Bulacan.

Sa tulong po ng $1.99-bilyong dolyar na loan deal natin sa Japan na nilagdaan noong 2015, bubuhayin po ang tren na ito sa pamamagitan ng North-South Commuter Rail Project. Babagtasin ng tren ang rutang Tutuban–Malolos. Magkakaroon ng sampung istasyon na maaring dagdagan pa ng lima.

Importante po ang 38–kilometrong riles para sa mga manggagawa, mangangalakal, turista at mga estudyante lalo na sa mga taga-Bulacan. Kapag umarangkada na ang tren, ang dating mahigit dalawang oras na byahe mula Maynila hanggang Malolos ay magiging 35-minuto na lamang.

Tiyak na uusbong ang negosyo at turismo, dadami ang trabaho, at magiging mas madali ang magtrabaho at humanap ng trabaho, lalo na para sa mga kababayan nating Bulakenyo. Ang tipid na oras sa byahe ay dagdag na oras na pwedeng gamitin para magtrabaho at kumita, mag-aral, makapagpahinga, o gugulin sa piling ng pamilya.

Samantala, ang New Clark City na itatayo sa loob ng Clark Special Economic Zone sa Capas, Tarlac naman ang magiging bagong urban growth center. Ito rin ang magiging bagong National Government Administrative Center. Dito dadalhin ang mga ahensiya at opisina ng ating gobyerno para paluwagin ang Maynila. Sadyang kailangan natin ang mga bagong urban growth centers para umusbong ang mga negosyo at trabaho sa labas ng Maynila upang matiyak natin ang inclusive growth o kaunlarang panlahat.

Kapag natapos ang New Clark City na may lawak na 200 ektarya, may bersyon na po tayo ng Putrajaya, ang Federal Government Center ng Malaysia at Sejong City na Special Administrative District ng South Korea – palatandaan ng kaunlaran at kaayusan dito

sa ating bayan. Ang New Clark City na gagastusan ng mahigit 13-bilyong piso ay tiyak na magsisilbing job generator sa Central Luzon lalo na at dito po gaganapin ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Sa konstruksyon pa lamang po ng New Clark City, tinatayang makakalikha na tayo agad ng halos 7,500 trabaho. Plano ring pag-ugnayin ang Tutuban-Malolos Train at ang New Clark City upang lalo pang makapagbigay ng oportunidad sa ating mga kababayan.

Ito po ang dahilan kung kaya’t suportado natin ang mga programang pang-imprastruktura ng pamahalaan sapagkat nakasalalay po rito ang pagdami ng trabaho sa bansa. Tumpak pong sabihing “BUILD, BUILD, BUILD” EQUALS “JOBS, JOBS, JOBS”.

Kung pagagandahin natin ang ating mga imprastruktura lalo sa transportasyon, kusa pong dadagsa ang mga mamumuhunan. Sa bawat itatayong negosyo, may trabaho pong naghihintay sa mga Pilipino.

Trabaho po ang hatid ng Tutuban-Malolos Train at ng New Clark City. Dala po ng dalawang malaking proyektong ito ang progreso.

Babantayan po natin ang pagpapatupad ng mga proyektong ito at sisiguruhin natin ang pakinabang nito sa lahat ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

Job Opening sa PhilJobNet

Narito po ang bilang ng mga job vacancy mula sa PhilJobNet kung saan makakapag-apply din kayo online. Ilan lamang po ito sa 8,354 job opening ngayong linggo mula sa 2,382 kumpanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Call Center Agent – 1,900
Salesman – 779
Cashier – 525
Waiter – 310
Heavy Equipment Operator – 303

Job Fair Schedule

PESO Cabanatuan City Job Fair
Robinson’s Townville, Cabanatuan City, Nueva Ecija
January 30

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?