11
risa-hontiveros-kolumn
By

Buhay ay Sagipin, Ipasa ang Mental Health Law

Sharing is caring!

Matinding pinag-usapan ang isyu ng depresyon at suicide o pagpapatiwakal nitong mga nakaraang linggo. Batay sa datos ng Global School-Based Student Health Survey noong 2015, tinatayang 17 porsyento ng mga estudyanteng nasa high school sa Pilipinas edad 13-15 ay nagsabi na nagtangka na silang magpakamatay. Aabot sa 12 porsyento sa kanila ang seryosong kinokonsidera ang suicide habang ang 11 porsyento naman ay may balak na kung paano isasagawa ito.

Bukod sa tumataas na kaso ng mga Pilipinong nagpapakamatay, dalawang kilalang personalidad ang magkasunod na napabalitang nagkitil ng kanilang mga buhay: ang kilalang designer na si Kate Spade at ang sikat na chef na si Anthony Bourdaine. Ito ay napag-usapan na wala sa edad, kasarian o estado sa buhay ang isyu ng mental health.

Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), may isang tao kada 40 segundo ang nagpapakamatay araw-araw. Sa Pilipinas, tinatayang pitong Pilipino ang nagpapakamatay kada araw.

Nitong Pebrero lamang ay niratipika ng Senado ang aking inakdang batas na Mental Health Policy Act kasama ng mga co-authors na mga senador. Ang niratipikang bersyon ng Senado at ng House of Representatives ay natanggap ng Malacanang nitong nakaraang buwan.Pirma na lamang ng Presidente ang inaantay upang maging ganap na itong batas. Subalit kung hindi ito mapipirmahan agad ng Presidente, ngayong paparating na Hunyo 20 ay magla-lapse into law na ito. Ibig sabihin, magiging ganap na batas na ito kapag hindi na-veto.

Ang Mental Health Policy Act ay naglalayong palawakin ang mga serbisyong mental health sa bansa. Wala po kasing sinisino ang depresyon mapamayaman man o mahirap, mapabata man o matanda, babae man o lalaki. Straight man o LGBTQ. Lahat ay pwedeng tamaan ng sakit na ito.

Kapag ganap na naisabatas ang Mental Health Policy Act, lahat ng tertiary level, regional at provincial na hospitals pababa sa barangay level na mga pagamutan ay papalakasin ang mga serbisyo publiko upang matugunan ang pangangailangan ng mga taong may mental health disorders.

May tatlong mandato ang Mental Health Policy Act, una rito ay ang pagtalaga sa Department of Health (DOH) na magbigay ng full range ng psychiatric, psychosocial at neurologic service sa ating mga ospital. Pangalawa, ay dadagdagan at palalakasin ang madato ng DOH para dagdagan ang kanilang mga duktor, nars at iba pang health workers para makapag-diagnose at makapag-refer para sa community-based na mental health program at outpatient services sa mga barangay.

Ang pinakahuli ay ang pagkakaroon ng mga education at information campaigns sa mga paaralan at mga trabaho upang maisulong ang mga anti-stigma at anti-discrimination na mga programa para na rin malunasan ang mga panghahamak at pambu-bully sa mga taong may mental health problems sa kanilang mga ginagalawang lugar.

Ilang tulog na lamang at malapit na nating makamtan ang katuparan ng pagkakaroon ng batas upang matugunan ng tama ang mental health ng ating bayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?