3,371

Aug 8, 2018 @ 20:34
By

Bugok na mga pulis, hindi na itatapon sa Mindanao – Albayalde

Hindi na ipapadala sa Mindanao o sa iba pang lugar ang mga pulis na mahuhuling gumagawa ng kalokohan.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde, aniya ang gagawin na lang nila ay tututukan ang mga kasong administratibo at kriminal na maisasampa laban sa mga bugok na pulis.

Inamin nito na ang layunin nila ay mapatalsik sa puwesto ang mga pulis na nagiging anay sa kanilang hanay.

Ginawa ng PNP ang hakbang matapos humarap kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mahigit 100 pulis na sangkot sa iba’t ibang katiwalian.

Noong nakaraang taon, higit sa 300 pulis ang itinapon sa Basilan bilang parusa at dalawa sa kanila ang napatay sa bago nilang destino.

Inamin naman ni Police Supt. Benigno Durana, tagapagsalita ng PNP, hindi solusyon ang paglilipat sa ibang lugar sa mga tiwaling pulis dahil parang inilipat lang nila ang problema.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?