157

Jan 24, 2020 @ 17:39
By

Bugawan sa spa buking sa San Juan

Ni-raid ng mga tauhan ng San Juan Police, kasama si Mayor Francis Zamora, ang isang massage parlor na nabuking bilang isang prostitution den sa Barangay Pedro Cruz, San Juan City, Huwebes ng gabi.

Ayon kay San Juan police chief Col. Jaime Santos, sinalakay nila ang Zara Wellness Spa Massage and Skin Care na matatagpuan sa N. Domingo at De Tavera St., matapos ang mahigit dalawang linggong surveillance makaraang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa nagaganap na pag-aalok ng “extra service” sa mga customers.

Sumagad naman ang galit ni Zamora nang ipakita ni Santos sa alkalde ang video na positibong pagbebenta ng aliw ng isang 28-anyos na massage therapist.

Nabatid na wala si Wendy Polintan Dolor, may-ari ng nasabing spa, nang salakayin ang kinikilalang prostitution den kung saan ang nakuhang video ang gagawing katibayan laban dito.

Nasagip naman ang tatlong babae, kabilang ang isang 18-anyos na dalagita.

“Hindi tayo titigil hangga’t mawala na ang ganitong klaseng kalokohan ng ibang mga negosyo dito sa San Juan. Front nila ay spa or salon kuno, pero ang totoo ay may nangyayaring sexual intercourse,” bulalas ni Zamora.

Ayon kay City Social Welfare and Development Officer Rocel Camagus, nasa P2,000 ang extra service na iniaalok ng massage therapists ng spa.

“Magsilbi itong babala sa iba pang nanggugulo dito sa San Juan na bawal ang prostitusyon sa Lungsod ng San Juan. Noong nakaraang Nobyembre nagsara din kami ng isang spa dito sa Greenhills, ito ay pangalawang pagkakataon na,” babala pa ng alkalde.

Sabi pa ni Santos, dalawang spa sana ang sasalakayin subalit nagnegatibo dahil ang nakuhang massage therapist ay may regla, kaya ang Zara na lamang ang sinalakay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?