245

Oct 17, 2017 @ 12:57

Budget, tax reform, sapul sa impeachment kay Bautista — Lacson

Mapaparalisa ang Senado kung aakyat na sa kanila ang impeachment case laban kay Comelec Chairman Andres Bautista sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre.

Ayon kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, mas mahirap pa pag sumabay ang impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang napipintong reklamo kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

“First with Bautista, crippled na ang Senate. Wala na kaming magagawa. Pag nagkasabay-sabay sa Senate, wala nang mapasang bills. Pati budget, tax reform package matatamaan,” saad ni Lacson.

Nagtataka naman si Lacson kung bakit kailangang magsumite ni Bautista ng kanyang resignation kay Pangulong Rodrigo Duterte gayung isang constitutional body ang Comelec.

“I think the proper way to do it is to submit his resignation to the Comelec en banc,” pahayag ni Lacson.

Pinuna rin ng senador ang pagmamadali ng Kamara na maisulong ang impeachment kay Bautista na posible aniyang nagkaroon ng usapan at may nangyari sa pagitan ng mga aktibidad.

“Minadali ng HOR ‘yung impeachment, overturning even the justice committee recommendation. Mukhang may dynamics, mukhang may usapan sila. That’s constitutional because it’s more than 1/3. But ako kung ako mag-analyze, may nangyari in between mukhang may kasunduan si Chairman Bautista and HOR leadership,” dagdag pa ni Lacson. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?