17

Oct 9, 2017 @ 13:37

Budget ng OVP, Ombudsman lusot agad

Bagama’t kilalang kalaban ni Pangulong Rodrigo Duterte, walang hirap na nakalusot sa Senado ang budget ng Office of the Ombudsman at Office of the Vice President.

Inaprubahan agad ng plenaryo ng Senado ang P2.681 billion na hinihinging pondo ng Ombudsman dahil walang senador ang nagpahayag ng interes na mag-interpellate.

Kabuuang P2.640 billion ang inaprubahang budget ng Senado para sa Ombudsman o dagdag na mahigit P143 milyon sa hinihinging P2.497 billion.

Kasabay nito, inaprubahan ng Senado ang karagdagang P20 million  para sa  Angat Buhay o Anti-Poverty Program ng Office of the Vice President.

Mismong si Senate Majority Leader Vicente Sotto ang nagsulong na maaprubahan ang pondo ng tanggapan na P443.95 million para sa susunod na taon.

Ayon kay Robredo, malaking tulong ang ayuda ng Senado dahil hindi na nila kailangang umasa sa pribadong sektor para tustusan ang mga programa para sa food security at nutrisyon, housing, rural development, education at rural health care.

Sa ilalim ng programa, bibigyan nng ayuda ang mga pinakamahihirap na lalawigan depende sa kanilang pangangailangan na hiwalay pa sa conditional cash transfer sa ilalim ng pantawid pamilyang pilipino program ng gobyerno.

Sa ngayon umaabot na aniya sa 153 komunidad ang kanilang nabigyan ng ayuda o katumbas ng 75,000  mga pamilya.(Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?