9

Sep 16, 2020 @ 17:13
By

Budget ng ilang ahensiya, lagot sa Senado

Susuriing mabuti ng Senado ang panukalang 2021 budget ng mga ahensiyang ayaw sumuporta sa kanilang rekomendasyon na kasuhan ang ilang dating opisyal na sangkot sa diumano’y iregularidad sa PhilHealth.

“Kapag binalewala nila ang Senate report, babalewalain din namin ang budget nila,” pahayag ni Sotto sa panayam sa DZBB.

Ayon kay Sotto, chairman ng Senate Committee of the Whole na nag-imbestiga sa alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth, nagulat siya nang hindi kasama ang mga pangalan sa listahan na nauna nang inirekomenda nilang kasuhan.

“Inaasahan sana namin na mas malawak ang makikita nila kesa sa nakita namin. Ang Senado rito, ang pinag-uusapan dito, ito majority at saka minority magkasama rito sa isyu na ito. Iba itong tinamaan nilang isyu sa amin,” ani Sotto.

Pero paglilinaw ni Sotto, bubusisiin nilang mabuti ang pondo ng mga ahensiyang ito at hindi iipitin.

“I mean we will scrutinize their budgets. That’s the only power left to us if our official Senate report is not honored. Hindi iipitin. Will scrutinize,” sabi ng Senate President.

Matatandaan na pinadalhan ng Senado ang Department of Justice ng kopya ng kanilang committee report sa kanilang imbestigasyon kasama na ang rekomendasyong kasuhan ang mga opisyal ng PhilHealth, kabilang si Health Secretary Francisco Duque III.

Subalit hindi isinama ng task force sa pinakakasuhan si Duque, ang ex-officio chairman ng PhilHealth board.

Nauna nang sinabi ni Duque na walang kinalaman sa paglabas ng pondo ng PhilHealth sa ilalim ng Internal Reimbursement Mechanism dahil hindi naman siya bumoboto sa board.

Pero hindi tinanggap ni Sotto ang palusot na ito ng kalihim.

“Ikinalulungkot kong sabihin na napakasagwa ng palusot nila. Anong akala nila hindi namin binasa ang PhilHealth law? Di naman talaga bumoboto ang chairman eh,” sabi ni Sotto.

“Ibig mong sabihin balewala ang mga Zoom meeting na uma-attend siya, Zoom meeting na nagbu-bull session ang members ng executive committee at members ng board? Andoon din siya,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?