78

Dec 30, 2017 @ 15:45

Bucks nanaig sa Thunder sa kontrobersiyal na basket ni Antetokounmpo

Nag-drive para sa kontrobersiyal na dakdak si Giannis Antetokounmpo at nabingwit ng Milwaukee Bucks ang panalo, 97-95, kontra Oklahoma City Thunder nitong Biyernes (Sabado, Manila time).

Mukha kasing nakatapak sa baseline ang Bucks’ Greek guard at na-out of bounds nang makawala sa depensa ni Josh Heustis ng Thunder patungo sa basket pero hindi pinituhan ng reperi.

Nagmintis naman ang panablang tira ni Russell Westbrook sa paghulas ng orasan.

Matapos tumunog ang buzzer ay nakipag-argumento si Carmelo Anthony sa mga opisyal at itinuturo ang video board na nagpapakita sa tagpo kung saan tumapak umano sa linya si Antetokounmpo.

Ngunit hindi umano iyon maaaring irebyu dahil hindi pinituhan ng reperi, ayon sa hepe ng officiating crew na si Derrick Stafford sa AFP.

Bago tuldukan ng dunk ni Antetokounmpo ang laro, naitabla ni Westbrook sa pamamagitan ng malayong tres ang iskoring.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?