14

Sep 15, 2020 @ 16:35
By

Bucks luluwa ng bilyon para kay Giannis

Taranta ngayon ang Milwaukee Bucks para lang mapanatili sa kanilang poder ang reigning NBA MVP na si Giannis Antetokounmpo.

Matapos magparamdam si Giannis ng pagkadismaya sa laglag ng Bucks sa playoffs nang patalsikin ng Miami Heat, kaagad na nagpatawag ng meeting ang koponan para maagang maligawan ang do-it-all forward.

Ayon kay ESPN insider Adrian Wojnarowski, siniguro umano ng Milwaukee na handa silang gumastos ng malaki para mabigyan ng mas malakas na teammate si Giannis, ibig sabihin ay preparado ang Bucks na sumobra sa kanilang $132.7M luxury tax o higit P6 billion para lamang makumbinsi si ‘Greek Freak’ na huwag mag-alsabalutan.

Sa susunod na season ang huli na sa kontrata ni Antetkokounmpo para sa Bucks, kaya siyang bigyan ng offer na super-max deal na $233M ngunit maari ring tumanggi at pumasok sa free agency kung saan ilan sa mga matunog na nag-aabang sa kanya ay ang Miami Heat at Golden State Warriors.

Matatandaan na nagulantang ang NBA world nang biglang i-unfollow ni Giannis sa social media ang kanyang mga teammate at pati ang Bucks, kaya’t nabuo ang mga espekulasyon na ayaw na nito sa koponan.

Ngunit matapos ang kanilang serye kontra Heat ay giniit ni Antetokounmpo na hindi siya manghihingi ng trade, ngunit nais na magkaroon ng pagbabago sa Bucks sa susunod na season.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?