92

Jan 13, 2021 @ 10:30
By

‘BTS sa Kongreso’ magde-debut; Cayetano pasimuno

Pitong mambabatas ang bubuo ng kanilang “independent majority” bloc sa Kamara, na tinatawag nilang “BTS sa Kongreso.”

Ang dahilan kung bakit ito ang pangalan ng grupo, na kapareho sa sikat na 7-member South Korean boy band na BTS, ay ipapaliwanag daw nila bukas, Enero 14.

Binubuo sila ng napatalsik na House Speaker na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at kanyang mga kaalyado na sina:

– Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte Jr.
– Laguna Rep. Dan Fernandez
– Batangas Rep. Raneo Abu
– Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor
– Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado
– Capiz Rep. Fredenil Castro

Ang anim ay natanggal din sa posisyon matapos maging House Speaker ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco noong Oktubre 2020.

Napaulat na suportado pa rin umano nitong “independent majority” bloc ang legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte pero “mas magiging kritikal” lang sila sa mga itutulak na batas sa termino ni Velasco.

Bago ang “BTS sa Kongreso,” napag-isipan din daw nilang tawagin ang kanilang sarili bilang “X-Men” dahil lahat sila ay mga dating chairperson at deputy speaker sa Kongreso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?