44

Feb 25, 2020 @ 16:03
By

BSP may palugit sa mga naapektuhan ng ASF, coronavirus

Bibigyan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng palugit ang mga bangko at ang mga binabantayan nitong financial institution na nalugi dahil sa mga pautang sa mga sektor na apektado ng African Swine Fever at ng COVID-19.

Ayon kay Bangko Sentral governor Benjamin Diokno, kinikilala ng BSP na maaring mapilay ang mga industriya dahil sa ASF at coronavirus. ‘Pag hindi kasi sila nakabayad, tatamaan ang mga bangko at financial institution kaya sila bibigyan ng regulatory relief.

“This is in recognition of the potentially crippling impact of these events on key industries,” sabi ng Diokno.

Bukod sa mga backyard hog raiser na tinamaan ng ASF, may meat processor din na tinamaan ng ASF at hindi nakabenta dahil dito. Tinamaan din kasi ang mga nagbebenta ng pakain para sa mga baboy dahil huminto na ang madami sa pag-aalaga.

Mga airline, hotel, at ang mga nasa sektor ng turismo naman ang tinamaan sa COVID-19. Bukod sa pagbabawal ng paglipad ng ilang airlines sa China, nabawasan din ang kita nila dahil natatakot ang mga taong lumipad kaya’t malaki ang nabawas sa kita ng mga airlines.

Nitong Nobyembre lang, pumirma nang kontrata ang Cebu Pacific ng mga Gokongwei para bumili ng 16 na A330 sa Airbus. Ang presyo ng isang A330 ay nasa $235 milyon hanggang $297 milyon ang isa. Sa bangko dinadaan ang financing ng ganitong mga transaksyon dahil hindi naman cash ang bayaran dito.

“We believe that the grant of regulatory and re-discounting relief measures is also applicable to financial institutions whose clients have suffered from adverse effects of these crises,” dagdag ni Diokno.

Sabi ng BSP, case-to-case basis ang pagbibigay ng palugit at isa isa nitong susuriin ang mga kasong hihingi ng palugit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?