42
ABANTE BROWNOUT ENERGY ERC PH
Jan 16, 2018 @ 14:11
By

Brownouts nagbabadya sa suspensiyon ng ERC commissioners

Inamin ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Agnes Devanadera na posibleng magkaroon ng mga brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong taon bunsod ng isang taong suspensyon ng lahat ng commissioner ng ERC.

Sa pagdinig ngayon ng Senate committee on energy, sinabi ni Devanadera na dahil wala ang mga commissioner, hindi maaksiyunan ang aplikasyon ng mga distribution utilities para sa rate o antas ng kanilang singil sa kuryente.

Magsasagawa na umano ang ERC ng mapping ng mga lugar na maapektuhan ng brownout.

Nung nakaraang Disyembre, iniutos ng Office of the Ombudsman ang isang taong suspensyon ng apat na ERC commissioners dahil ipinasok umano ang ahensya sa maanumalyang transaksyon sa mga power generation companies na may kaugnayan sa Meralco.

Dahil dito, si Devanadera lamang ang nanunungkulang opisyal ng ERC sa ngayon.

Sa gitna ng pagdinig ng Senado, pinagsabihan ni Senador Sherwin Gatchalian si Devanadera na apurahin na ang pag-aaral kung ano-anong mga lugar ang posibleng maapektuhan ng brown-out at busisiin kung paano mapipigilan ang mga ito.

Hinikayat na nito si Pangulong Duterte na magtalaga kahit ng pansamantalang kapalit ng mga suspendidong ERC commissioners. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?