By

Brownlee, Balkman gabay ng SMB-Alab sa kampeonato

Sharing is caring!

Makalipas ang limang taon, muling sasalang sa ABL Finals ang Alab Pilipinas.

Salamat sa mga import na sina Justin Brownlee at Renaldo Balkman matapos pamunuan ang San Miguel-Alab Pilipinas sa 79-72 Game 2 win sa best-of-three semifinals kontra nagdedepensang Hong Kong Eastern Basketball Team Linggo ng gabi sa Sta. Rosa Multi Purpose Complex sa Sta. Rosa, Laguna.

Winalis ng Pilipinas ang serye sa loob ng dalawang laro, 2-0, hihintayin ang magwawagi sa pagitan ng Mono Vampire at Chongson Kung Fu para sa championship series.

“I’m just really grateful for having a great group of guys,” masayang pahayag ni Alab head coach Jimmy Alapag.

Pinangunahan ni Brownlee ang Alab sa kinolektang 22 puntos, 11 rebounds, at 4 blocks habang nagdagdag si Balkman, na itinala ang makasaysayang 46-puntos na paglalaro sa Game 1, ay tumapos na may 21 puntos at 11 rebounds.

Maliban sa dalawang world imports, nakahugot din ang Alab ng tulong sa mga local na sina Bobby Ray Parks Jr., Paolo Javelona at Pamboy Raymundo.

“As a player, confidence is such a valuable part. That’s one thing I try to encourage my guys,” ani Alapag sa ipinakitang team effort ng mga manlalaro kung saan pinasalamatan nito ang kaniyang import at local players. “As we progress in the season, we will need everybody.”

Umalagwa ang Alab sa ikatlong yugto kontra sa mga bisita sa paghulog ng 17-6 bomba matapos magtabla ang laro sa iskor na 43 sa huling anim na minuto tungo sa pagtatapos ng yugto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?