53

Oct 29, 2017 @ 18:05

Brother Eddie nababahala sa EJKs

“Thou shall not murder.”

Iyan ang isa sa mga binitiwang mensahe ni Jesus is Lord Church Founder Bishop Brother Eddie Villanueva sa ika-39 anibersaryo ng JIL.

Ang tinutukoy ni Villanueva ay bahagi ng panawagan ng mga pinuno ng Philippines for Jesus Movement at Philippine Council of Evangelical Churches, ang dalawa sa pinakamalaking non-Catholic organizations sa bansa.

Partikular na nagpahayag ang dalawang organisasyon ng pagpuna sa nagaganap na mga pagpatay sa gitna ng drug war ng administrasyon, gayundin sa umano’y pagkakasangkot ng mga matataas na opisyal ng gobyerno sa kalakaran ng iligal na droga.

Ayon kay Villanueva, kinikilala nila ang mga programa ng administrasyong Duterte na malaki ang pakinabang sa mga mahihirap gaya ng libreng tuition sa mga state universities and colleges, pagpapalawak sa saklaw ng Philhealth, mahigpit na pagpapatupad ng senior citizens law, at pagpapairal ng nationwide smoking ban.

Gayunman, hindi dapat masakripisyo ang rule of law sa polisiya ng pamahalaan laban sa droga.

Kasabay nito, ipinaalala ni Villanueva ang 6th commandment na thou shall not murder.

Aniya, walang sinuman ang may karapatan para kumitil ng buhay ng ibang tao.

Si Duterte ay ang sinuportahang kandidato ng JIL noong 2016 elections, at naniniwala umano si Villanueva sa sinabi ng Pangulo sa European Union na hindi niya iniutos ang nagaganap na extra-judicial killings.

Kaya panawagan ni Villanueva sa mga law enforcer, huwag namang ipahiya ang Pangulo.

Kasabay nito, nagpahayag din si Villanueva ng pagkabahala sa inihaing House Bill No. 6595 na nagsusulong na payagan ang same sex civil partnership.

Sinabi ng JIL Leader na hindi dapat payagang mamayani ang modernong Sodom and Gomorrah sa ating lipunan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?