112

Jul 11, 2019 @ 13:17
By

Brodkaster patay sa pananambang ng tandem

Nasawi ang isang broadcaster matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding in tandem habang nakasakay sa kanyang kotse, Miyerkoles ng gabi sa Kidapawan City, North Cotabato.

Dead on the spot matapos magtamo ng limang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Eduardo Sanchez Dizon, radio commentator ng Brigada News FM Kidapawan City.

Base sa ulat na ipinadala ni Police Brig. General Eliseo Tam Rasco, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 12 sa Camp Crame, naganap ang insidente alas-10:25 ng gabi sa national highway ng Quezon Blvd. kanto ng Diversion Road at Sinsuat St. sa Kidapawan City.

Nabatid na lulan ng kanyang Mitsubishi Mirage G4 na kotse ang biktima nang malapitan itong pagbabarilin ng mga suspek dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi batid na lugar.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng pamamaslang gayundin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Samantala ipinag-utos naman ni Philippine National Police chief General Oscar Albayalde kay Rasco ang mabilisang imbestigasyon hinggil sa naganap na pagpatay kay Dizon.

Ipinaabot din ng opisyal ang kanyang pakikiramay sa pagkawala ng isang kasamahan sa pamamahayag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?