100

Oct 27, 2017 @ 13:53

Briton, himas-rehas sa pang-uupak

Nahaharap sa kasong physical injury ang isang British national matapos manuntok ng isang call center agent dahil sa hindi pagkakaunawaan sa transaksiyon kamakalawa ng gabi sa Antipolo City.

Nakakulong sa Marikina detention cell ang suspek na si Andrew Pease, 58-anyos, at residente ng Blk-23 Lot-24 Cleaveland Drive, Broadway Pines, Barangay Mayamot, Antipolo City matapos magsampa ng kaso ang biktima na si Eduard Estory Agustin, 28-anyos, call center agent, at residente ng No. 135 Joseph St., Dela Costa Homes, Barangay Barangka, Marikina City.

Batay sa report, nagtungo ang suspek sa opisina ng biktima bandang alas-10:51, Huwebes ng gabi sa Reliance HR Office na matatagpuan sa 2/F Riverbanks Arcade, Barangay Barangka, Marikina City upang ayusin ang ilang transaksiyon ukol sa online payments ng Briton.

Subalit hindi umano nagkaintindihan ang dalawa hanggang sa nagmumura na umano ang suspek at biglang sinapak ang biktima sa mukha.

Dinala ang dalawa sa pulisya at agad na naghain ng kaso ang biktima at ngayon ay nakakulong na ang Briton habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceeding sa Marikina City Prosecutor’s Office laban sa banyaga. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?