51

Dec 13, 2017 @ 15:40
By

British pedophile, ipapa-deport ng BI

Isang wanted na British pedophile ang ipatatapon ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng United Kingdom.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang dayuhan na si Mark Christopher Wyatt, 42 taong gulang, na nahatulan na sa Britanya dahil sa pagiging child sex offender.

Naaresto si Wyatt ng mga operatiba ng BI-Fugitive Search Unit sa kanyang bahay sa Quezon Avenue sa Camiling, Tarlac noong December 8, 2017.

Isinagawa ang pagdakip matapos ipaalam ng mga otoridad sa Britanya na ang pag-alis ni Wyatt sa kanilang bansa ay paglabag sa kanyang parole.

“We will send him back to the UK where he will be returned to prison because he left the country during his period of supervision,” saad ni Morente.

Dagdag pa ni Morente, banta ang pananatili ni Wyatt sa Pilipinas dahil hindi malabong mambiktima rin ito ng batang Pilipino.

Sinabi naman ni BI Intelligence officer at FSU Chief Bobby Raquepo na inilagay na nila ang dayuhan sa wanted list ng BI.

Nabatid na noong March 2015 ay nahatulan si Wyatt ng pagtatangka na mangmolestiya ng menor de edad na pinadalhan niya ng litrato ng pribadong bahagi ng kanyang katawan.

“He would go back to prison to serve his suspended sentence because he left the UK during the period he was under supervision,” dagdag ni Raquepo.

Umalis si Wyatt ng UK noong November 3, 2016 para puntahan ang kanya umanong kasintahan sa Pilipinas.

Bagamat meron siyang return flight ng December 2, 2016, hindi naman siya bumiyahe pabalik ng Britanya. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?