42

Dec 19, 2017 @ 15:42

Brillo inararo si Ricopuerto

Pinahalik sa lona ni Reymar Brillo ng Sultan Kudarat si Zaldy Ricopuerto ng Malungon, Sarangani sa loob lang ng 14 na segundo sa preliminary round ng Philippine Sports Commission-Pacquiao Amateur Boxing Cup sa Robinsons Place sa Gen. Santos City.

Malagablab ang simula ng beterano na ng halos 100 bakbakan at 18-anyos na si Brillo, inatake agad si Ricopuerto ng kaliwa’t kanan, napaatras ito pero hinabol siya upang muling mapagtatamaan at humandusay na pumuwersa sa referee na itigil ang bakbakan.

“Sabi ni coach kung makaya mo i-knockout, knockout mo na,” kuwento ni Brillo, na umabante sa Mindanao quarterfinals sa Pebrero sa Kidapawan City kasama ang pitong iba pang boksingero.

Lumalaban na si Brillo sa edad siyam pa lang at may ilang alok na para magpropesyonal.

“Pag-iisipan ko po nang husto. Sa ngayon, training po muna,” aniya sa torneo na tinutulungan ng Philippine Sports Institute at ng Amateur Boxing Alliances in the Philippines.

Pero positibo si Coach Jimmy Cubay, nagtuturo kay Brillo sa Sultan Kudarat team sa nakalipas na dalawang taon, na makakapasok sa pambansang koponan ang kanyang boksingero at katawanin ang bansa sa mga internasyonal na kompetisyon.

“Pag-isipan po namin itong kay Reymar. Wala akong masasabi sa batang ito. May lakas, tapang at mabait pa,” wika ni Cubay, na ang isa pang pinagmamalaki, si Carolyn Calungsod, kasapi na ng national women’s squad.

Sumulong din sa Last Eight si James Errol Gahaton ng Brgy. Labangal, GenSan sa 44-46kg youth boys, Ben John Rey Yagahon ng Malaybalay City at Jayson Brillo ng Sultan Kudarat sa 48kg division, Ariel Almamento ng GenSan at Jake Sone Saludar ng Polomolok, South Cotabato sa 46-49kg; Acreboy Baranggan ng Aglayan, GenSan; John Igancius Macas ng Cagayan de Oro at G Criz Sander Laurente ng GenSan sa 52kg division. (Ramil Cruz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?