By

Brigada Eskwela sa Marawi, kasado na

Sharing is caring!

Itinakda na ng Department of Education (DepEd) sa Disyembre 11, 2017 ang pagdaraos ng Brigada Eskwela sa mga paaralan na naapektuhan ng giyerang naganap sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga teroristang Maute-ISIS sa Marawi City.

Sa idinaos na early Thanksgiving Lunch ng DepEd para sa media, sinabi ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones na matagal na silang handa na magdaos ng Brigada Eskwela sa Marawi City ngunit hindi pa makapunta doon hangga’t hindi pa sigurado ang kaligtasan sa lugar.

Nilinaw din naman niya na bagama’t may petsa na ang aktibidad ay maaari pa rin itong mabago dahil hinihintay pa aniya nila ang ‘go signal’ ng Department of National Defense (DND).

Ayon pa kay Briones, personal niyang pangungunahan ang aktibidad para makita ang tunay na lagay ng mga paaralan na naapektuhan ng giyera sa lungsod.

Iniulat naman ng kalihim na batay sa inisyal na datos na kanilang natanggap ay aabot na sa 29 paaralan ang totally destroyed sa Marawi City o yaong tuluyan nang hindi mapapakinabangan.

Naglaan na rin aniya sila ng P2 bilyon para sa pagsasaayos ng mga naturang nasirang eskwelahan.

Sa ngayon ay maraming mag-aaral ng Marawi City ang nakapag-enroll sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa, habang may ilan ding guro ang nakapagturo na sa ibang paaralan.

Paliwanag pa ng kalihim, ang mga guro naman na hindi pa makapagturo ay tuloy pa rin namang sumasahod kaya’t walang dapat ipag alala ang mga ito. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?