198
Brgy. chairman na NPA rin umano, todas sa Masbate
Nov 7, 2019 @ 16:34
By

Brgy. chairman na NPA rin umano, todas sa Masbate

Patay ang isang incumbent barangay chairman ng bayan ng Milagros, Masbate na isa rin umanong miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang naganap umanong engkwentro laban sa mga sundalo, Miyerkules ng umaga sa nabatid na bayan.

Kinilala ang nasawi na si Barangay San Antonio, Miagros, Masbate Punong Barangay Wolfert Dalanon habang nakuha umano mula rito ang tig-isang M16 at M53 rifle.

Base sa ulat na isinumite ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, dakong alas-6:00 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga miyembro ng 2nd Infantry Battalion at 2nd Masbate Provincial Mobile Force sa Barangay San Antonio kung saan nakaengkwentro raw ng mga ito ang hindi batid na dami ng mga rebelde na tumagal nang mahigit sa isang oras.

Matapos ang diumano’y palitan ng putok, umatras umano ang mga NPA member at iniwan ang bangkay ni Dalanon.

Base sa nakalap ng awtoridad, ginagamit umano ni Dalanon ang kanyang barangay para maging training ground ng mga rebolusyonaryo, kung saan sinasanay umano sila kung paano humawak ng armas at paano bumaril.

Gaganapin diumano ang pagtatapos ng mga bagong recruit umano na mga NPA nang sugurin ang lugar ng mga sundalo at pulisya kamakalawa.

Patuloy naman ang ginagawang hot pursuit operation ng awtoridad para sa mga nagsitakas na rebelde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?