71
Abante-TnT--Napoles
Mar 16, 2018 @ 11:38
By

Breaking: Janet Lim Napoles pasok na sa WPP

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nasa ilalim na ng provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP) ang negosyanteng si Janet Lim Napoles, ang sentro ng pork barrel fund scam.

Ayon kay DOJ Undersecretary Erickson Balmes, nakapagsumite na si Napoles ng affidavit na pinagbatayan ng kanyang provisional coverage sa WPP.

Gayunman, nilinaw ni Balmes na wala pa sa physical custody ng WPP si Napoles dahil provisional status pa lamang naman ang pagsasailalim sa kanya sa programa.

Pero kung hihilingin ay maari naman aniyang magbigay ang WPP ng karagdagang seguridad at kung kinakailangan ay tugunan din ang kanyang pangangailangang medikal.

“Physically wala pa po under WPP due to provisional status of admission. If requested by subject we can provide additional security and as warranted, address medical needs,” saad ni Balmes.

Matatandaang si Napoles ay nauna nang naabsuwelto sa kasong serious illegal detention na nag-ugat sa reklamong inihain laban sa kanya ng pinsan niyang whistleblower sa pork barrel scam na si Benhur Luy.

Mula sa Correctional Institution for Women sa Lungsod ng Mandaluyong ay inilipat naman siya sa Camp Bagong Diwa noong Mayo 2017 alinsunod sa utos ng Sandiganbayan dahil sa kinakaharap niyang kasong plunder kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam. Maricel Diaz

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?