20

Feb 18, 2021 @ 14:24
By

Brand ng bakunang gagamitin ni Pangulong Duterte nakabatay sa rekomendasyon ng kanyang mga doktor

Hinihintay na lamang ng Malacañang ang rekomendasyon ng mga doktor ni Pangulong Rodrigo Duterte kung anong brand ng bakuna kontra COVID ang ituturok sa kanya.

Ito ang inihayag ni Senador Bong Go sa harap ng pagpayag ni Pangulong Duterte na isapubliko na ang kanyang pagpapabakuna sa sandaling mayroon ng magagamit sa bansa.

Marami aniyang brand ng COVID vaccine na puwedeng gamitin kaya ang titingnan na lamang ay kung alin sa mga produkto ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Sinovac at Sinofarm ang puwedeng iturok sa Presidente.

“Ang inaantay na lang namin ngayon ang clearance ng duktor ni Pangulo kung anong klaseng vaccine ang puwedeng iturok sa kanya. So yan po ang pinag-aaralan na lang ng duktor ng Pangulo,” ani Go.

Matatandaang unang inihayag ng Palasyo na nais ni Pangulong Duterte na maging pribado ang pagpapabakuna subalit marami ang humihiling na dapat isapubliko ito para bumalik ang tiwala ang publiko sa bakuna.

Kasama ang mga senior citizen sa prayoridad na dapat mabakunahan kaagad ng gobyerno kaya pasok ang Presidente dahil 75 years old na ito.

“Hindi na po kuwestiyon kung bawal ba siyang bakunahan. Ang kuwestiyon na lang po is kung anong bakuna ang ituturok sa kanya,” dagdag ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?