353

Nov 6, 2017 @ 11:58

BPI pinagmumulta sa naantalang SSS pension

Dapat umanong ibigay ng Bank of the Philippine Islands (BPI) sa pensioners ang kinitang interes mula sa na-delay na Social Security System (SSS) pension.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ito’y bilang danyos sa mga senior dahil sa palpak na sistema ng bangko.

Katuwiran ni Zarate, malaking perwisyo ang idinulot ng kapabayaan ng BPI lalo na sa mga pensioner na sa pension lang nila umaasa.

“Marami po sa mga pensioners ay ang pension lang nila ang inaasahan para pambili ng pagkain at gamot, kaawa-awa naman din talaga ang mga pensioners na Oct.17 pa nirelease ng SSS ang kanilang pension ay Nobyembre 3 na nila ito nakuha,” paliwanag ng kongresista.

Sabi pa ni Zarate, ang pagbibigay ng interes sa mga pensiyonado ay isang paraan din para di na maulit ang pagkaantala sa pensyon.

Ito’y lalo pa’t marami na naman aniyang holidays ngayong buwan at sa susunod pa.

“Maaari ding ayusin ng SSS ang kanilang patakaran sa ganitong delays at multahan ang mga bangko at ibigay sa mga naapektuhan ang multa,” ayon kay Zarate.

Dagdag pa ng mambabatas, hindi na dapat hayaan ng SSS na maulit ang ganitong insidente.

“Pero kung uulit pa ang mga delays na ito sa pensyon ay mukhang dapat na talagang kasuhan ang mga bangkong ito,” pagtatapos ng kongresista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?