19

Aug 10, 2021 @ 15:51
By

Boxing, weightlifting ipasok sa college leagues – Olympic medalists

Matapos makapagbigay ng apat na kabuuang medalya sa bansa mula sa Tokyo Olympics, nananawagan ang mga Pinoy medalist na isama ang boxing at weightlifting sa mga collegiate athletic competitions.

Tatlo sa apat na medalya mula sa Tokyo ang mula sa boxing, habang ang unang ginto ng bansa ay naiuwi ni Hidilyn Diaz mula sa weightlifting.

“Talagang ‘yung sports, nag-unite tayo lahat. Sana makita po natin na ‘yung mga medalist natin, boxing at weightlifting. Wala pong boxing at weightlifting sa UAAP and NCAA. Sana ma-consider natin na ipasok,” pahayag ni Diaz sa PSA Forum nitong Martes.

“’Yung iba kasi tulad ko, gusto ko mag-aral ng college pero hindi ako makapag-aral kasi nag-focus ako sa boxing. Kung meron na sa school na boxing, may tournament kayo, nasasabay pa ‘yung aral saka boxing. Mas makaka-produce tayo ng magagaling na boksingero,” saad naman ni bronze medalist Eumir Marcial.

“Marami pong boksingero na magagaling pero gusto din nila mag-aral. Nag-didivide ‘yung decision nila. Tinitignan nila kung saan sila magiging successful. Kung sa mga schools natin, sa university natin, may boxing, may tournament, masasabay nila ‘yung kurso nila. At the same time, mapapakita nila kung may talent sila sa boxing. And then, pag nakitaan natin, ‘yung mga NSAs na natin ang magdidiscover sa kanila, tapos naka-graduate pa sila, nakapag-aral pa sila,” dagdag pa ni Marcial.

Maging ang silver medalists na sina Carlo Paalam at Nesthy Petecio ay nakiisa rin sa ideya na ito nina Diaz at Marcial.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?