152
magdalo-gary-alejano
Apr 25, 2018 @ 13:26
By

Boracay Shutdown

Nakikisimpatiya tayo sa humigit-kumulang 36,000 na mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng Boracay simula sa araw na ito, Abril 26. Ang pagsasara daw ay para sa rehabilitasyon at paglilinis ng isla na kilalang tourist destination sa mundo.

Sa loob ng anim na buwan ay mawawalan ng kita ang mga kababayan nating ito dahil sa biglaang desisyon ng Pangulo na isara ang isla. May mga paglabag umano sa mga environmental laws ang mga establishment sa Boracay.

Malaki ang aking suporta sa pangangalaga ng ating kalikasan. Ngunit sa kabilang banda ay hindi rin maiiwasan na mag-alala sa magiging kalagayan ng may 17, 000 empleyado ng mga negosyo sa Boracay at yung 19,000 informal sector workers. Saan sila kukuha ng ikabubuhay at makakain sa loob ng anim na buwan? Sa pagbubukas ba muli ng isla sa Oktubre ay mayroon pa silang trabaho?

Ayon sa gobyerno bibigyan ng ayuda ang mga maapektuhang manggagawa subalit may agam-agam pa rin kung sasapat at regular ang tulong na ito sa loob ng panahong sarado ang Boracay.

Karaniwan, isang bagsakan lang kung magbigay ng ayuda ang gobyerno sa mga apektadong mamamayan lalo na’t inamin ng ating Pangulo na walang master plan sa Boracay rehabilitation.

Kung walang master plan sa rehabilitasyon ng Boracay, malamang wala ring plano para sa pagtulong sa mga apektadong manggagawa. Anim na buwan silang mangangapa kung ano ang kahihinatnan nila at ng kanilang kabuhayan.

Isa pa sa binabantayan talaga natin dito ay kung matutuloy ang pagtatayo ng casino sa Boracay. Kamakailan itinanggi ng Macau-based Galaxy Entertainment Group ang mga ulat na isasantabi umano nila ang kanilang planong magtayo ng hotel casino sa isla.

Kahit pa ang mga salita ng Pangulo na hindi nito papayagang may magtayo ng casino sa Boracay ay napakahirap paniwalaan. Mas mahirap itong panghawakan lalo pa at nag-courtesy call na sa Pangulo ang mga opisyales ng Galaxy Entertainment Group bago nagdesisyon na isara ang isla para umano’y linisin.

Marami nang binitawang salita ang pangulo na hindi naman niya tinutupad tulad na lamang ng pagtapos sa endo sa sektor ng paggagawa. Kasama rin dito ang ipinangako niyang tatapusin ang problema sa trapiko sa loob ng anim na buwan at sasakay sa jetski at magtatanim ng bandila ng Pilipinas sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Pawang kabaliktaran ang nangyari sa mga pangakong ito ng Pangulo kaya mahirap panghawakan ang kanyang mga sinasabi na hindi papayagan ang pagtatayo ng casino sa Boracay. Ang Pangulong ito ay walang isang salita.

Tandaan natin na dalawang buwan pagkatapos mag-courtesy call ang mga may-ari ng Galaxy Entertainment Group (nangyari noong Disyembre 6, 2017), tsaka biglang pinag-initan ng Pangulo (noong Pebrero 9,2018) ang pagsasara ng Boracay. Tila malakas talaga ang mga Chinese kay Digong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?