31

Aug 22, 2021 @ 14:36
By

Booster shots sa health workers hinirit

Hiniling ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang mga kaalyado sa Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na bigyan ng booster shot ang mga frontline health workers at immunocompromised individuals laban sa COVID-19.

Sumulat ang grupo ni Cayetano sa IATF upang ipaalam ang kanilang rekomendasyon sa gitna ng lumalaking bilang ng mga bansa na nagbibigay na ng booster shots bunsod ng Delta variant ng COVID-19.

Sa mga karatig bansa ng Pilipinas, nagsimula ng magbigay ng booster shot ang Indonesia at Thailand.

“The continued increased risk that COVID-19 and its variants pose to the frontline health workers and to the immunocompromised, coupled with their inadequate, reduced or waning vaccine protection, warrants that booster/additional vaccine doses be made available to them,” sabi sa sulat.

Naunang sinabi ng Malacañang na may nakalaang P45 bilyon para sa booster shot sa ilalim ng 2022 national budget. Sinabi naman ng Vaccine Expert Panel na maaaring magsimula ang booster shot kapag nabakunahan na ang 70% ng populasyon.

Umaabot na sa 12% ng populasyon ang fully vaccinated at nasa 15% naman ang nakatanggap pa lamang ng unang dose.

Sinabi ng grupo ni Cayetano na halos anim na buwan na mula ng simulan ang pagbabakuna sa mga frontline health workers noong Marso 2021.

Sa pag-aaral ay bumababa umano ang bisa ng Sinovac, ang pinakamaraming bakuna na binili ng gobyerno, anim na buwan matapos ang ikalawang dose.

Inirekomenda naman ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang pagbibigay ng booster shot sa mga moderately at severely immunocompromised individuals.

“…The protection of the frontline health workers and the immunocompromised is a moral imperative and a practical necessity. They belong to a different public health category with unique vulnerabilities, which demands a different treatment,” sabi sa sulat.

Bukod kay Cayetano, pumirma sa sulat sina Taguig Rep. Maria Laarni Cayetano, Anakalusugan Rep. Michael Defensor, Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu, at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?