17

Nov 18, 2021 @ 16:03
By

Booster shot ng bagets wala pa sa plano ng gobyerno

Hindi kasama sa prayoridad ng gobyerno ang pagbibigay ng booster shot sa mga edad 12-17 kahit pa nagsimula na ang rollout ng booster shot ng COVID vaccine sa mga health worker.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Dr. Nina Gloriani, Head ng DOST Vaccine Expert Panel na wala pa sa radar nila ang mga bata para sa booster shot.

Mas maganda aniya at malakas ang immune system response ng mga bata kaysa mga may edad kaya hindi dapat na magmadali para dito.

“Hindi pa po natin pinag-uusapan iyan. Kailangan pong mai-ramp up muna ang ating primary series of immunization,” ani Dr. Gloriani

Bukod dito, kasisimula pa lamang ang pagbibigay-bakuna sa mga bata kaya dapat tapusin muna ang first at second dose ng mga ito .

Nanawagan naman si Gloriani sa gobyerno na ilarga na rin ang pamimigay ng booster shot sa mga senior citizen sa sandaling matapos na ang pagtuturo nito sa mga healthcare worker.

“Sabi ko baka matapos agad ang pag-biost sa ating health workers, mabuting maumpisahan na rin sana agad ang pagbibigay ng bakuna/booster sa ating senior citizens, sa ating A2 kasi sila yung talagang mas mabilis ang waning ng immunity,” dagdag ni Gloriani. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?