162

Nov 1, 2017 @ 12:03

Bonuses sa PCSO pinigil dahil sa COA report

Matapos ihayag na sila ang nangunguna sa hanay ng mga ahensiya ng gobyerno sa usapin ng unauthorized bonuses at allowances, inihinto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagpapalabas ng mga kinukuwestiyong kompensasyon.

Ito ang naging desisyon nina PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz at General Manager Alex Balutan bilang pagtalima na rin sa direktiba mula sa Malakañang.

Ngunit ikinatuwiran ng dalawang opisyal ang pagbibigay ng bonuses at allowances sa kanilang mga opisyal at kawani ay nagsimula noon pang administrasyong-Fidel Ramos at bahagi ng kanilang buwanan at taunan benepisyo.

Bago ito, inilabas ng Commission on Audit na walong government owned and controlled corporations (GOCCs) ang nagbigay ng P619.7 milyon halaga ng unauthorized bonuses at allowances noong nakaraang taon.

Nangunguna sa listahan ang PCSO na naglabas ng P518 milyon ng walang legal na basehan at ito ay binubuo ng P151 million in Christmas bonuses, P123.8 million sa education assistance bonuses, P71 million sa grocery bonuses, P60.27 million sa weekly draw allowances, P27.5 million sa hazard pay at P23.3 million in revenue performance incentive pay.

Umaasa naman sina Corpus at Balutan na maaayos din sa COA ang isyu. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?