792

Nov 30, 2017 @ 15:00
By

Bonifacio Day, ipinagdiwang sa Maynila

Matiwasay na idinaos ang iba’t ibang mga aktibidad ngayong araw na ito kung saan ipinagdiriwang ang ika-154 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.

Sa lungsod ng Maynila, bagaman hindi nakadalo sa aktibidad si Manila Mayor Joseph Estrada ay ipinadala naman nito bilang kanyang kinatawan sa selebrasyon ang city administrator na si Atty. Ericson Alcovedaz.

Bago magtalumpati ay humingi ng paumanhin si Alcovedaz sa hindi pagdalo ni Erap sa okasyon dahil aniya sumasailalim ito sa therapy sa kanyang beywang.

Sinabi ni Alcovedaz na maraming pagkakahalintulad sina Erap at Bonifacio. Si Erap aniya na dating aktor ay katulad din ni Bonifacio na dati ring sumali sa mga “Sarsuela”. Naging kauna-unahang pinuno rin si Bonifacio ng Katipunan na katulad ni Erap na naging Presidente ng bansa. Pareho rin umano nilang hindi natapos ang kanilang termino dahil napatay si Bonifacio at napatalsik naman si Estrada sa puwesto.

Pareho rin umanong ipinanganak sa Tondo ang dalawa.

Dumalo naman sa wreath-laying ceremony sa Dambana ni Bonifacio si Manila Police District Director Joel Coronel at ilang department heads ng lungsod ng Maynila.

Kabilang sa nagsagawa ng wreath-laying ay ang mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at mga opisyal mula sa Manila City government.

Sa Tutuban sa Maynila, may mga kinatawan din ng NHCP, Manila government at Tutuban Properties Inc., na nag-alay ng bulaklak at nagsagawa ng maiksing aktibidad sa monumento ni Bonifacio. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?