265

May 17, 2019 @ 12:13
By

Bong Revilla pinagdasal: Jinggoy sumuko na sa senatorial race

Tanggap na ni Jinggoy Estrada na hindi siya makakabalik sa kanyang dating puwesto sa Senado.

Ito’y matapos pumwesto sa ika-15 ang dating mambabatas ayon sa official count ng National Board of Canvassers ng Commission on Elections.

“Bagamat hindi po tayo pinalad na makapasok sa magic 12, ayon sa unofficial count ng Comelec at mga VCMs (vote counting machines), tatanawin ko pa rin ng malaking utang na loob sa inyo ang ipinakitang suporta sa akin lalong lalo na ang masang Pilipino na kahit kailan hindi po ako iniwanan,” saad ni Estrada.

Ipinahayag din niya ang kanyang pagsuporta sa ilang bagong senador na kanyang kapartido sa Hugpong ng Pagbabago.

“Sa lahat ng neophyte senators na nagwagi, Sens. Bong Go, Bato dela Rosa, Francis Tolentino at Imee Marcos, nawa’y tuparin ninyo ang inyong mga binitawang pangako,” ayon sa dating senador.

Kanya ring ipinapanalangin ang pagpasok ng kanyang kaibigan na si Bong Revilla sa Magic 12.

“Sa aking BFF at kakosa na si Sen. Bong Revilla, bagamat matagal tayong nagkasama at ngayon lang tayo maghihiwalay, ipagdadasal ko ang iyong tagumpay sa Senado,” saad pa.

Ang dalawa ay nadawit sa kaso ng pork barrel case at kinasuhan ng plunder at graft. Nakalaya ang dalawa matapos payagang magpiyansa si Jinggoy, at ma-acquit si Revilla sa kasong plunder.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?