105

Dec 21, 2017 @ 15:40
By

Bong Revilla, makakasalo ang pamilya sa Noche Buena

Uuwi sa Cavite si dating senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa bisperas ng Pasko.

Ito’y makaraang payagan ng Sandiganbayan na makasama ni Revilla sa Christmas Eve ang kanyang pamilya sa Bacoor.

Sa minute resolution, pinagbigyan partially ng anti-graft court First Division ang mosyon ni Revilla na makalabas ng kulungan mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-nuwebe ng gabi sa bisperas ng Pasko, Disyembre 24.

Ayon sa korte, bahala si Revilla na sagutin ang gastos ng Philippine National Police (PNP) sa paglabas nito ng detention kung saan bawal siyang gumamit ng anumang uri ng komunikasyon.

“All expenses to be incurred by the PNP for the personal escorts and security measures in all movements and dispositions of the accused outside Camp Crame until his return to his detention facility, as authorized herein, shall be shouldered and paid by the said accused,” saad sa resolusyon.

Inatasan naman ng Sandiganbayan si PNP chief Director General Ronald dela Rosa na makipag-ugnayan sa Sheriff’s Office para sa kinakailangang personal escorts at security measures sa paglabas ng dating senador sa pasilidad sa Kampo Crame.

Bukod kay Revilla, pinayagan din ng korte ang dating aide nito na si Atty. Richard Cambe na makasama sa Noche Buena ang pamilya nito sa Imus, Cavite.

Unang humirit si Revilla na payagan siyang mabisita ang pamilya niya sa Bacoor, Cavite mula Disyembre 24-25 at Disyembre 31 hanggang Enero 1.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?