110
Bong Go sa mga atleta: Layuan ang droga, matutuyo lang utak niyo
Mar 26, 2019 @ 18:01
By

Bong Go sa mga atleta: Layuan ang droga, matutuyo lang utak niyo

Pinaalalahanan ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Bong Go ang mga atleta na umiwas sa iligal na droga.

Ang mensahe ay ginawa ni Go matapos pangunahan ang isang sports event sa Dipolog City.

Sinabi ni Go na mas mainam na ituon ang atensiyon sa basketball o iba pang uri ng laro kaysa magdroga dahil kapag nasangkot sa iligal na droga ay isang paa aniya ang nasa hukay.

Binigyang-diin ng dating kalihim na ang shabu ay nagtataglay ng kemikal kung saan matutuyo ang utak at magreresulta sa pagkasira ng isip.

“Pakiusap lang, layuan niyo ang droga, mag-basketball na lang kayo. ‘Wag niyong susubukan ang droga dahil kapag na-involve kayo sa droga, isang paa niyo nasa hukay na,” ani Go.

Kapag aniya pinalad siya sa Senado, sinabi ni Go na isusulong nito ang pagtatatag ng sports and youth development centers sa bawat local government unit sa buong bansa para magkaroon ng libreng sports training ang mga kabataan at makagamit ng libreng sports equipment.

Sa ganitong paraan ayon kay Go ay makakaiwas sa tukso ng iligal na droga ang mga kabataan at mahuhubog ang mga ito na maging produktibong mamamayan at maging kapaki-pakinabang sa komunidad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?