68

Nov 4, 2019 @ 19:43
By

Bong Go: 2020 national budget dapat ‘cholesterol-free’

Tiniyak ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na kanyang hihimayin ang panukalang 2020 national budget at titiyaking ‘pork-free’ o ‘cholesterol free’ ito.

“I am in favor of pork-free or cholesterol-free budget. Isa ako sa maghihimay niyan. I am the vice chair of finance, kasama ako sa bicam conference committee,” pahayag ni Go sa panayam ng mga reporter nitong Lunes.

“Kung kailangan po salain natin ang cholesterol, gamitan natin ng tubig para lumutang ang cholesterol tanggalin natin,” pabirong sambit pa nito.

Ginawa ni Go ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Senador Panfilo Lacson na sa tingin niya ay pork barrel-free ang isinumiteng proposed budget ng Kamara.

Binigyang-diin ni Go na dapat lang na ibalik ang pondo sa taumbayan sa pamamagitan ng maayos na basic services kaya kung kinakailangan ay gagawin niya ang lahat ng paraan para matiyak na walang insertions na mangyayari.

“Hindi po tayo papayag, I am for pork-free budget at ibalik sa tao ang dapat ibalik. ‘Yung basic services, health, ito disaster na nangangailangan ng tulong ibalik natin sa tao ang pera nila,” sabi ni Go.

Ayon sa senador, mag-uusap pa ang Senado at pagkatapos ay ang bicam pero kung sakaling hindi pa rin magkaintindihan ang lahat ay hindi malayong ma-veto ito uli.

Gayunman, nagbabala si Go na marami ang maaapektuhan at kawalan ng lahat kapag reenacted na naman ang budget para sa susunod na taon.

“Tingnan natin mag-uusap pa kami sa ngayon basta I am for pork-free or cholesterol-free. Basta ayoko ng insertions, kung hindi magkaintindihan eh di mabe-veto na naman ‘yan tulad noong isang taon,” ayon pa sa mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?