70

By

Bombay hinoldap at binaril ng bebot na rider

Sharing is caring!

Malubhang nasugatan ang isang Indian national na makaraang holdapin ay binaril pa ng bebot na rider matapos na tangayin ang umaabot sa P.5 milyong koleksiyon nito sa mga negosyanteng dinadalhan niya ng kanyang mga wholesale product sa Quezon City.

Ginagamot ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Harman Mahi Harsimikan Singh, 20-anyos Indian national, may negosyong money lender at residente ng No. 67 Matahimik St., Teachers Village ng nasabing lungsod, sanhi ng tinamong tama ng di-pa malamang kalibre ng baril sa binti.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Jayson P. Darriguez, dakong alas 2:10 ng hapon nitong Nobyembre 24, nang harangin at holdapin ng isang babaeng nakaangkas sa motorsiklo ang biktima sa Mabilis St., Brgy. Pinyahan, QC.

Sa pahayag ng nakasaksing si Sally Roy Rodriguez, 55-anyos, sar-sari store owner sa No. 96 Mabilis St., ng nabanggit na barangay, habang nagbabayad siya sa biktima ay bigla na lamang huminto sa kanilang harapan ang isang motorsiklo na walang plaka sakay ang isang babae na walang helmet habang naka-helmet naman ang lalaking kasama nito, at nagdeklara ng holdap.

Agad na tinutukan ng baril ng babae ang biktima at nang makuha ang bag na naglalaman ng umano’y mahigit kalahating milyong piso ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Matapang St., ng nasabing barangay.

Hindi pa nakuntento ang mga suspek at upang hindi makahabol ang negosyanteng Bombay ay pinaputukan pa ito ng baril ng isang beses sa binti.

Agad namang isinugod sa nabanggit na ospital ang biktima ng kanyang kapatid na nakilalang si Marinder Singh. Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang mga suspek. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?