105

By

Bomb signature sa pagsabog sa Indanan, Jolo Cathedral, parehas

Magkapareho ang bomb signature sa dalawang pagpapasabog sa kampo ng militar sa Indadanan, Sulu nitong Biyernes na ikinamatay ng walong katao at naganap na twin bombing sa Jolo Cathedral noong nakaraang Enero 27 na ikinamatay naman ng 23 katao ayon sa opisyal ng militar.

Ayon kay Western Mindanao Command (Westmincom) commander Major General Cirilito Sobejana, basa sa kanilang inisyal na assessment, wala umanong pinagkaiba ang dalawang pambobomba pati ang paggamit ng cellphone bilang detonator ng improvised explosive device (IED) na umanoy gawa ng Islamic State inspired Abu Sayyaf Group (ASG) na pinamunuan ni Hatib Hadjan Sawadjaan.

Samantala, dagdag pa ni Sobejana na patuloy nilang bina-validate ang ulat na ang isa sa dalawang bomber ay ang anak ng Moroccan na nagpasabog sa Lamitan, Basilan.

Ang nasabing bata ang umano’y nakalusot sa gate ng kampo nang maganap ang unang pagsabog, na siya namang nagpasabog ng ikalawang IED. Habang ang unang bomber na nagpasabog ng IED sa gate ng kampo ay asian looking na maaaring Malaysian, Indonesian o Pilipino.

“May mga foreign terrorist tayo na-monitor in fact yung isang bata na pumasok sa loob ng compound ng kampo ay ina-assess nating mabuti kung ito yung anak ng Moroccan na nagpasabog sa Lamitan,Basilan, sabog ang katawan ng bata at nakita lamang na buo yung kaniyang paa,” saad ni Sobejana.

Samantala sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde na Pilipino ang unang suicide bomber na may dala ng IED na sumabog sa sa military camp nitong Biyernes.

“Ang alam lang natin, even the Armed Forces of the Philippines, ay alam ang identity ng mga ito, and they are not foreign nationals. ‘Yun ang alam natin. Hindi ito mga foreign nationals,” pahayag ni Albayalde sa isinagawang press briefing sa Camp Crame.

Kapwa sinabi naman ni Albayalde at Sobejana na ito ang unang beses na Pinoy ang suicide bomber.

Sang-ayon din si Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang pagpapasabog sa Indanan, Sulu ay isang kaso ng suicide bomber.

“It is evident from the report because this guy knocked on the gate, so the guard went near to ask what the person needed. So when the guard was at the gate, the person exploded, so this is obviously a suicide bombing,” paliwanag ni Lorenzana.

Nauna ng inako nang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa dalawang naganap ang suicide bombing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?