164

By

Bomb expert ng Maute, todas sa military ops sa GenSan

Nasawi ang bomb expert ng Maute terrorist group sa isinagawang law enforcement operation ng militar at pulisya sa Brgy. Fatima, General Santos City kaninang madaling-araw.

Kinilala itong si Najib Calimba Pundog, alyas Najib Hussein, ang IED expert o bomber ng Maute Group.

Ayon kay Eastern Mindanao Command Spokesperson Major Ezra Balagtey, alas-2:15 ng madaling-araw nang isagawa ng mga tauhan ng Joint Task Force General Santos City, Regional Mobile Force (RMF), at Philippine National Police Office 12 ang law enforcement operation laban sa terorista.

Bitbit ng mga sundalo at pulis ang warrant of arrest laban sa terorista dahil sa mga kasong serious detention at kidnapping.

Ngunit sa halip na sumuko sa awtoridad ay nanlaban pa ito dahilan ng kanyang pagkamatay.

Narekober sa kanyang pag-iingat ang isang Glock pistol at granada.

Samantala kahapon sa isinagawang follow-up operation ng militar at PNP naaresto ang asawa ni Abu Dar, ang tumatayong lider ngayon ng Maute Group.

Kinilala ang naaresto na si Nafisa Pundog na nadakip sa kanyang safe house sa Purok Maunlad, Brgy. Apopong, General Santos City alas-siyete ng umaga kahapon.

Si Nafisa ay pugante matapos makatakas sa Marawi City Jail noong 2016.

May kaso itong paglabag sa Section 3 ng Presidential Decree No. 1865.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?