10

By

BOL kulang sa pondo, posibleng mapurnada – Andaya

Sharing is caring!

Nanganganib pa umanong madiskaril ang implementasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) dahil sa kawalan ng pondo.

Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., walang inilaang budget ang Department of Budget and Management (DBM) para sa plebisito sa BOL.

Kailangan ng Commission on Elections (Comelec) ng P857 million para sa plebisito na gaganapin sa Enero 21 at Pebrero 6.

“Saan kukunin ng Comelec ang pondo para sa plebisito kung wala ito sa budget? Sa savings for 2018? ‘Di ba sabi ni Sec. (Benjamin) Diokno, wala siyang kapangyarihan na mag-release ng pondo kung wala ito sa national budget?” ani Andaya.

Sinabi pa ni Andaya na hindi lang pondo para sa plebisito sa BOL ang nakalimutan ni Diokno na isama sa 2019 budget kundi maging ang budget para sa BOL implementation.

“Kung hindi mapopondohan ang BOL, paano natin mapapaniwala ang mga kapatid natin sa Mindanao na seryoso tayo sa usaping pangkapayapaan? Malayo na ang narating ng usaping ito. Huwag naman sanang mabalewala dahil sa kapabayaan ng isang tao,” ayon sa House leader.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?