141
gun
Dec 11, 2017 @ 13:25
By

Bodyguard ng kapitan, patay sa pamamaril

Isang lalaking private bodyguard ng isang kapitan ng barangay ang patay matapos na tambangan ng dalawang lalaking lulan ng isang motorsiklo habang sakay din ng kaparehong sasakyan ang una sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Sa ulat ni PSSupt. Jemar Modequillo, ng Caloocan City Police, alas-otso ng umaga naganap ang insidente sa kahabaan ng Phase VII, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Binabaybay ng biktimang si Carlito Ramirez, bodyguard ni Barangay 176 Chairman Joel Baculod, sakay ng motorsiklo at kaangkas ang kanyang misis ang nasabing kalsada nang harangin ng dalawang lalaking lulan din ng motor.

Nang maramdamang panganib ang dala ng mga ito ay mabilis na inatras ng biktima ang kanilang motor at inikot ito patungo sana sa kabilang direksiyon ngunit na-overtake-an pa rin sila ng mga suspek at pinagbabaril ng apat na beses sa ulo si Ramirez.

Matapos na masigurong wala nang buhay ay tumakas ang mga salarin, mabilis namang humingi ng saklolo ang asawa ng biktima sa mga residente sa lugar ngunit hindi na nagawa pang maisugod sa pagamutan dahil sa binawian na ito ng buhay.

Samantala, ayon sa kapitan ng barangay, wala pa umano silang maisip na posibleng motibo ng mga salarin sa pagpatay sa biktima ngunit aktibo umano ang biktima sa kampanya ng kanilang barangay laban sa iligal na droga at iba pang krimen sa kanilang lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?