82

Nov 9, 2017 @ 16:59
By

BOC walang solicitation para sa charity project

Itinanggi ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapena ang kumakalat na text messages na siya ay nagso-solicit ng pera para sa mga charity project sa pamamagitan ng isang nagngangalang Atty. Vasquez.

Ginawa ni Lapena ang paglilinaw matapos makatanggap ang BOC ng ulat mula sa ilang mga customs broker na isang Atty. Vasquez na nagpapakilalang chief of staff niya ang tumatawag at nagpapadala ng text messages sa mga broker at importer at humihingi ng donasyon para umano sa kanyang charity of fund raising project.

Ayon sa pinuno ng BOC, walang nagngangalang Atty. Vasquez na kunektado sa kanyang tanggapan.

Hindi rin umano totoo ang sinasabi nitong charity project na paglalaanan ng hinihinging donasyon, at hindi rin umano siya humihingi ng pinansyal na pabor mula kaninuman.

“I never authorized or ordered anyone from my office to solicit money on my behalf. I am also not involved in any fundraising activity as reportedly claimed by Vasquez,” ang pahayag ni Lapena.

Si Vasquez ay nagbebenta umano ng raffle ticket na nagkakahalaga ng P15,000 bilang donasyon sa simbahan at nagso-solicit ng pera para umano sa charity project ng BOC sa Zambales.

Nabanggit pa umano ni Vasquez ang pangalan ni Cardinal Luis Antonio Tagle bilang project partner.

Ang numero umanong ginagamit ni Vasquez sa modus operandi ay 09568700861 at 09562181895.

Kaugnay nito, pinakilos na ni Lapena ang BOC-Enforcement and Security Service para magsagawa ng imbestigasyon.

Para sa mga nakakatanggap ng kaparehong mga solicitation gamit ang pangalan ng BOC, maari umanong makipag-ugnayan ang publiko sa BOC-CARES sa telephone number 705-6000 o di kaya ay magpadala ng mensahe sa official Facebook page ng kawanihan na “Bureau of Customs PH.” (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?