8

Mar 3, 2021 @ 17:27
By

BOC report sa bakuna ni Mon Tulfo, PSG hinihintay ng FDA

Hinihintay ng Food and Drug Administration (FDA) ang report ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa mga COVID-19 bakunang ginamit ng Presidential Security Group (PSG) at ni dating Special Envoy to China Ramon Tulfo.

Sinabi sa Laging Handa press briefing ni FDA Director General Undersecretary Eric Domingo na may sagot na ang BOC matapos silang humingi ng datos ng importasyon ng mga bakuna.

Gayunman hindi pa aniya nakakarating ito sa kanyang tanggapan kaya wala pa itong maibigay na detalye.

“Hinihintay ko po na magbigay sila (BOC) ng report sa akin. Tuloy-tuloy po naman ang investigation diyan,” ani Domingo.

Sa isyu naman sa PSG, sinabi ng opisyal na ang doktor ng PSG Hospital na nag-request ng bakuna ang mananagot sakaling sumablay ang mga bakunang ginamit sa mga tauhan ng PSG.

“Kung sino po iyong doktor ng PSG Hospital na nag-request, siya po iyong completely responsible doon, at ipinaalala namin sa kanya na ang FDA ay hindi mag-i evaluate niyan at wala po kaming kahit anong masasabi tungkol sa safety at efficacy,” dagdag ni Domingo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?