19

Nov 22, 2021 @ 16:50
By

BOC nawalan ng P3.4B sa imported pork tax

Umabot na sa P3.4 bilyon ang nabawas sa koleksyon ng Bureau of Customs (BOC) mula sa mga imported pork matapos ibaba ng administrasyong Duterte ang taripa nito.

Ayon sa Department of Finance (DOF), P3 bilyon ang nakolektang taripa sa mga imported pork subalit P3.4 bilyon naman ang nawala mula Abril 7 hanggang Nobyembre 12.

Matatandaang ibinaba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang taripa sa mga importer sa 5% mula sa 30% dahil sa paniniwalang bababa ang presyo nito ngayong taon.

Noong 2020 lamang, nasa 54,210 toneladang imported pork ang nakapasok sa bansa sa mas mababang taripa.

Dahil sa African Swine Fever (ASF) na sumalanta sa mga babuyan sa bansa, kumonti ang supply ng karneng baboy kaya’t isinulong ng administrasyon na papasukin ang 254,210 imported pork sa mababang taripa.

Unang plano na 404,210 tonelada ang papasukin sa mababang taripa ngunit umalma ang mga magbababoy sa bansa kaya’t binaba ito sa 254,210 tonelada, na halos limang beses pa rin ang laki sa karaniwang inaangkat na baboy sa sa ilalim ng tinatawag na minimum access volume (MAV) mechanism.

Bukod sa mga magbababoy, umalma rin ang ibang sektor dahil mababawasan ang koleksyon ng pamahalaan na panay na lang ang pangungutang upang magkaroon ng pangtustos sa mga gastusin.

Sabi pa ng DOF, biglang dami ang dumating na imported pork mula Marso hanggang Mayo ngunit bumaba na ito simula Hunyo.

Sa ngayon, base sa DOF, umabot na sa 197 milyong kilo ng imported pork ang dumating sa bansa simula Abril 7 hanggang Nobyembre 12.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?