115

Oct 21, 2017 @ 15:34

BOC, nagbabala sa “online scam”

Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa “online love scam” kung saan ginagamit ang pangalan ng ahensya para makapambiktima.

Ginawa ni BOC Commissioner Isidro Lapeña ang babala sa harap ng tumataas na insidente ng online scam.

“If things are too good to be true, get out, that’s a trap,” babala ni Lapeña.

Ayon sa hepe ng BOC, nakatanggap na sila ng reklamo mula sa isang nabiktima ng “online love scam” mula sa Pangasinan.

Ang suspek ay nakilala ng hindi pinangalanang biktima sa internet, kinaibigan umano siya ng suspek at pinangakuan na padadalhan ng package na naglalaman ng mamahaling bag at gadget.

Pero para makuha ng biktima ang package at mailabas sa BOC, sinabihan ng suspek ang biktima na magbayad ng P30,000 sa isang Jenalyn Miranda at matapos na maipadala ang bayad sa pamamagitan ng money transfer, humingi pa ang suspek ng karagdagang P80,000 para mailabas ang package.

Sa ulat ng BOC Helpdesk, umabot na sa kabuuang 1,263 ulat at mga pag-uusisa ang natanggap ng ahensya dahil sa iba’t ibang estilo ng online scam.

Batay pa sa record ng BOC, ang mga pangalang ginagamit ng mga scammer ay Danica Mae Chavez, James Henry, John Deck, George, Ben Anthony, Jojit Padilla, Luzviminda, Michael Wilson, Lea Gomez, Edward, Jenalyn, Karren at Rowena.

Ang mga pangalan naman ng courier na madalas nilang maisangkalan sa panloloko ay ang SpeedEx Cargo, Speed Cargo, Global Express Cargo, Skyline Delivery Express, Express Cargo, Blue Express, Airtrack Cargo, United Global, Alpha Blink, Sky Express, Quick Cargo, Oceanic Delivery, ABC Cargo, Unifed, Link Up Freight, ECC Cargo, ACC Cargo at Union Cargo.

Pero batay sa listahan ng accredited de-consolidator ng Department of Trade and Industry (DTI), hindi lumitaw ang pangalan ng mga nasabing courier sa kanilang talaan.

“They would usually use the name of the bureau and pose as BOC employees who are asking money to shoulder the “duties and taxes” in exchange for the release of the package,” paliwanag ni Lapeña.

Pinapayuhan din ni Lapeña ang mga biktima ng online scam na dumulog sa Philippine National Police o kaya’y sa National Bureau of Investigation.

“If in case a stranger texted or chatted you of an unclaimed package held by BOC, or there is money in the package, you can double check the existence of the package by reaching the BOC Helpdesk at 705-6000 or by sending us a message at our Facebook page Bureau of Customs PH,” pagtatapos ni Lapeña. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?