141
gun
Oct 23, 2017 @ 14:38

Bloody basketball

Sugatan ang isang lalaki makaraang mabaril nang saklolohan ang nakababatang kapatid sa isa sanang friendly basketball game na nauwi sa gulo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO1 John Bee Bello, pasado alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang insidente sa covered court na matatagpuan sa Natividad Subdivision, Phase I, Barangay 168, Deparo ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong nanonood sa nasabing court ang biktimang si Jordan Juangco, 21-anyos, binata, ng Jerusalem St., ng nasabing lugar, sa basketball game ng kanyang kapatid na si Jeremy Juangco, 19.

Ilang sandali pa ay bigla na lamang nagkapisikalan ang kapatid ng biktima at mga kalaro nito na nauwi sa suntukan.

Nang makitang dalawa mula sa kalabang team ng kanyang kapatid ang umuupak dito ay agad na sumaklolo si Jordan at nakisali na rin sa gulo.

Isa sa kalabang team ni Jeremy na si John Andrew Taray, 31, negosyante at isa ring private security agent, na residente ng Champaca St., Maligaya Park, Novaliches, ang kumuha ng kalibre .45 sa kanyang bag saka pinaputukan si Jordan na tinamaan sa kanang binti.

Mabilis namang nakahingi ng saklolo sa Caloocan City Police Community Precinct ang mga residente sa lugar kaya’t natigil ang kaguluhan.

Agad na naisugod sa Quezon City General Hospital si Jordan na kasalukuyan pang nagpapagaling habang pinaghahanap na ang suspek na wala na sa kanilang bahay nang puntahan ng pulisya.

Sa pagsisiyasat ng SOCO, isang empty shell mula sa nasabing kalibre ang narekober sa lugar at ang sling bag ng suspek na naglalaman ng isang gun magazine na may anim na live ammunition. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?