83

Oct 19, 2017 @ 16:40

Blood type sa ID, aprub na!

Aprubado na sa ikatlong pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na nag-oobligang ilagay sa IDs, certificates at lisensya ang blood type ng bawat Pilipino.

Bago nagbakasyon ang mga kongresista, napagbotohan sa pinal na pagbasa ang panukala at walang tumutol dito.

Ayon sa pangunahing may-akda ng House Bill 1530 na si Mandaluyong Rep. Alexandria Gonzales, importante ang paglalagay ng blood type sa ID dahil makatutulong ito sa oras ng emergency.

“In case of emergency, which results in excessive blood loss, there is immediate matching so the correct blood type may be transfused in order to save the life of the victim,” ayon kay Gonzales.

Sinabi ni Gonzales na sa ganitong paraan ay mas marami ang maililigtas na buhay.

Base sa panukala, ang mga ID na dapat lagyan ng blood type ay ang Social Security System (SSS) at ang Government Service Insurance System (GSIS).

Gayundin ang pasaporte, birth certificate, ID ng Professional Regulation Commission (PRC), driver’s license at lisensya ng baril. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?