160

Apr 7, 2018 @ 19:56

Blood relic ni Pope John Paul II, dinagsa sa Manila Cathedral

Nagsagawa ng misa at pagbibigay-pugay sa pagbubukas ng blood relic ni St. Pope John Paul II sa publiko sa Manila Cathedral nitong Sabado ng umaga.

Nanguna sa misa si Luis Antonio Cardinal Tagle kasama ang rektor ng katedral at ang mga kaparian na dinaluhan ng libu-libong katao.

Regalo ng dating sekretaryo ng yumaong Santo Papa na si Cardinal Stanislaw Dziwisz ang naturang blood relic para sa ika-60 anibersaryo ng muling pagkakatayo ng nasabing simbahan matapos ang World War II.

Sa naging homily ni Tagle, hinikayat nito ang mga mananampalataya na ipamalita sa buong mundo ang mabuting balita ng kasabikan ng Diyos na makapiling ang kanyang mga anak.

“My dear brothers and sisters the Risen Lord wants to meet us and open our eyes. He wants to come to us. And when we have seen him, tell the Good News to the ends of the earth,” ani Tagle.

Sinamahan din ni Tagle ang mga kabataan sa pag-awit muli ng “Tell the World of His Love” na unang kinanta noong 1995 World Youth Day kung kailan bumisita sa Pilipinas si St. John Paul II noong nabubuhay pa ito.

Inihayag ni Tagle kung gaano kamahal ni St. Pope John Paul II ang Pilipinas sa pagiging susi nito sa Beatification ni San Lorenzo Ruiz.

Samantala, bukas ang Manila Cathedral para sa mga nais magbigay-respeto sa blood relic bukas (Abril 8) mula umaga hanggang alas-otso ng gabi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?